2 Loyalty

all we do is win

counter

6865

the daily prophet (well di naman xa talaga daily)

BREAKING UP THE SILENCE..

Ako, bilang isang tunay na Loyalista, ay magpapahayag ng sariling saloobin ukol sa kabuuang kondisyon ng ating klase. Maaari nyong sabihin na ako'y walang karapatang gawin ito ngunit ang hangad ko lamang ay imulat ang mga mata ng mga kapwa ko Loyalista. Ang opinyon at pananaw ko, nawa'y wag ninyo sanang masamain. Ang sulatin kong ito ay hindi tulad ng kay Segismundo. Sa lahat ng mga mambabasa, nawa'y maunawaan ninyo ito. Sana'y maintindihan nyo ang aking mensahe kahit na sa simula'y kamumuhian niyo ito.

Ang mga Loyalista noon, parang nasa pedestal. Kumbaga, masasabi kong angat sa iba. Malapit sila sa kanilang adviser. Matitino at nagpipitagan sila kung aking ilalarawan. Organisado ang kanilang mga plano. Magagaling at lagi nilang ginagawa ang lahat ng kanilang makakaya sa lahat ng mga aktibidad sa LHS. Maganda ang takbo ng pamamahala. Maraming mga mag-aaral na naghahangad na matulad sa mga taga-Loyalty noon. Nag-iwan sila ng magandang legasiya sa Laboratory High School at kay Ma'am Alaine.

Masakit isipin na parang anlaki ng pinagbago ng noon at ngayon. Batay sa aking obserbasyon, sa tatlong seksyon sa ikalawang antas sa LHS, tayo ang nangunguna; nangunguna sa kadumihan ng silid-aralan, nangunguna sa gulo ng sistema, nangunguna sa ingay, nangunguna sa gulo, nangunguna DAW sa maraming bagsak na marka. Alam kong may magagawa pa tayo tungo sa pagbabago. Wala namang masama kung magbabago tayo diba? Kumbaga, pagbabago para sa ikauunlad natin; pagbabago para sa ikabubuti natin. Alam kong kaya naman nating mapantayan o mahigitan pa ang tagumpay at lahat ng nagawa ng Loyalista noon. Kaya natin yun pero ang kulang lang sa atin ay pagkakaisa.

Si Adrian Jose Sabado, presidente natin yan. Madalas natin siyang pinagtritripan dahil sa "hindi mawaring" kadahilanan. Hindi naman sa sinasabi kong masama ang mang-asar kaso nasa lugar yan eh. Pag oras na may mahalagang paguusapan na ang klase, sana naman magseryoso ang lahat. Oo, pantay-pantay lang tayo pero sa oras ng seryosong pulong, sana naman ilagay natin sa taas si Sabado. Respeto ang kailangan. Paano tayo magiging maayos kung lagi nalang tayong di nagkakaintindihan sa homeroom. Isa pa. Tuwing mamimili ng mga ipanlalaban sa iba't ibang paligsahan. Sana nama'y seryosohin ng lahat ang pagpili. Pare-pareho nating hangad ang tagumpay. Huwag naman tayong mamahiya. Wag namang ipilit ang isang taong hindi naman bagay sa nasabing larangan upang hindi siya mapahiya at di rin mapahiya ang ating seksyon. Ang maikling pulong ay nagiging mahaba dahil sa di pagseseryoso sa pagpili ng mga kalahok. Pag dumating tuloy ang oras kung kelan kailangan na ng representante, nagmamadali ang mga opisyal upang maghanap ng magrerepresenta sa seksyon. Buti na nga lang eh nakausap ng maayos kahit papaano ang mga kalahok natin noong Buwan ng Wika. Paano na kaya sa susunod na mga paligsahan? Sa brutalang sistema nanaman ba tayo aasa?

Ikalawa. Pondo. Alam ko kung gaano kahirap pag-usapan ang pera. Di naman kasi tayo lahat ay may kaya. Si Bernadette Anne Ocampo, ingat-yaman ng mga Loyalista. Binansagan pa man lang din siyang "ingat-yaman" kung wala naman siyang iniingatang "yaman" dahil wala naman siyang nakokolekta mula sa mga Loyalista. Konting sakripisyo lang naman ang "barya". Tayo rin naman ang makikinabang, hindi ba? Sana nama'y makipag-isa tayo sa ating taga-ingat-yaman upang maging maayos ang sistema natin pagdating sa pinansyal na usapan. Sa oras na markaroon tayo ng maayos na sistema ng pangongolekta ng pera, madali tayong makakakuha ng pera pambayad sa ating mga obligasyon at bayarin. Huwag nating pahirapan mangolekta ng pera ang taga-ingat-yaman. Mahirap ang trabaho niya. Tulungan natin siya. Hindi sa sinasabi kong maningil din kayo gaya nya. Kumbaga, magbayad lang kayo para sa ikauunlad ng lahat.

Ikatlo. Silid aralan. Sobrang dumi ng ating silid aralan; maputik, makalat, madugyot, lahat na. Hindi mo sukat akalain na silid aralan pala iyon. Antagal na nating pinaguusapan ang tungkol sa materyales na panlinis. Hanggang ngayon, wala pa tayo masyadong panlinis. Sana nama'y mapag-usapan na ito ng klase o di kaya ng mga opisyal ng klase.

Ikaapat. Gulo. Kailan lang ay napagalitan tayo ni Prop. Dumrique dahil sa gulong hatid natin. Imbes na ang takdang aralin nya ang ginawa natin, ang iba, nasa labas, kumakain, magulo, naglalaro at kung ano-ano pa. Isa itong kahihiyan. Lahat naman tayo nagkakamali. Huwag lang sana natin ito ulitin. Kahihiyan, kahihiyan.

Mahal ko ang mga Loyalista kaya ako nagsulat ng ganito. Minumulat ko lamang kayo sa katotohanan. Nawa'y huwag kayong magalit dahil hangad ko lamang ang ikabubuti ng bawat isa. Lubos akong magpapasalamat sa Diyos sa oras na makita ko ang mabungang pagbabago ng mga Loyalista. Hindi lang naman ako ang makikinabang dito. Lahat tayo ang makikinabang. Ayun lamang po at salamat..

 

Nagmamahal, ChukkChakkChenes (isang tunay na Loyalista)

Go Back

Comment